Ang daya,daya mo.
Hindi naman ako nag-papatansya ng kasal,
pero pucha, noong umagang nakalimutan
mo na kung paano huminga
napatigil ako at naisip ko,
“Shit, wala nang maghahatid sa akin sa altar,”
kasi heto kami, naglalakad,
nakababad sa initan,
init na hindi kayang talunin,
pantayan ang malamig kong pag-tanggap
na ito na ang huli nating ganap-
ang pogi, pogi mo diyan sa suit mo,
at ang ganda ng ngiti sa labi mo
na sabi nila eh namana ko sa’yo,
habang heto ako, pinilit ko lang magkaroon
ng lakas para maligo kanina para lang mabigkas
ko ang huling paalam sa’yo na hindi mo
na naman maririnig at ayoko naman talagang sabihin
kasi baka magkita pa naman tayo kung
susubukan kong maging kasing bait mo,
pero ngayon ay ‘di ko pa masabi kung posible
dahil sa gitna ng bawat hikbi at singhot ay
naaamoy ko na ang lungkot at yamot sa mga parating
na araw na gigising ako at sa tabi ng mesa ay wala nang
nakaupo na may hawak na ballpen at dyaryo ,
hihiling ng kape habang nagsasagot ng crossword
puzzle na puno ng mga tanong na madalas ay ‘di maabot
ng aking pang-unawa;
naririndi na ang aking pandinig sa mga susunod na gabing tahimik
at ako na lamang ang gising dahil sa pag-iisip
kung sinadya ba talagang gawing magkakatugma
ang mga salitang
buhay, lakbay, patay at hukay-
kung ito ba’y ibinatay sa tunay na daloy ng mga pangyayari
dahil kung ganoon man, kung sakali,
magkatunog din naman ang huli at muli-
baka mag-krus din naman ang landas nating ulit,
maski ako magalit sa mundo o sa langit-
kaya bakit ako magbababye?
Ang daya,daya mo naman.
Ikaw nga, ilang buwan na mula
noong huling banggit mo sa ‘king pangalan,
mula ng huli mo kong nginitian,
minsan kung tingnan mo pa ako,
parang di mo ako kilala, kahit mukha
naman tayong pinagbiyak na bunga.
May mga araw na gusto ko nang umiyak
at sumandal sa’yong balikat, pero
hindi maaari dahil hawak ko ang iyong
braso at nakaalaylay sa’yong bewang
dahil unti-unti na ding nalilimutan
ng ‘yong mga paa kung paano ka itayo
mag-isa.
May mga araw na gusto ko ng makadurog-buto mong
yakap, pero dinudurog mo na ako habang
nakikita kong paluwag na ng paluwag
ang kapit mo sa mundo;
unti-unti nang nabubuwag
ang haligi ng tahanang nakagisnan ko,
at nararamdaman ko na ang pagdating ng
tag-ulan, at hindi ko pa alam kung paano
mananatiling nakatayo-Pa,
ang daya, daya mo dahil sa dinami-dami ng
pwede mong hindi ma-ituro ay naging isa pa doon
ang kung paano mabuhay nang wala ka.
Hindi ko alam kung paano ako tutuloy, o kung paano
ako magsisimulang muli, natatakot akong magkamali,
kagaya ng lagi kong gawi na sabi mo ay
“Okay lang, parte yan ng paglaki,” pero Pa, ayoko na
dahil ang buhay ay maikli-tingnan mo ikaw,
hindi mo na nahintay ang aking pagbawi-
Pa, ang daya-daya mo.
Sabi mo huling alis mo na yong sa Qatar-
nakakaasar kasi heto na naman tayo;
heto na naman ako, humahagulgol
pero hindi mo pwedeng isama kahit anong gawing habol-
Pa, sanay naman ako maghintay,
pero hindi ako sanay na wala nang babalik.
Alam ko naman na ang buhay sa lupa
ay isa lamang pagtitipon,
isa lamang bakasyon, pero sana
nanatili ka kahit konti pang sandali.
Pa, bakit ang aga mo namang umuwi?
“ang daya, daya mo dahil sa dinami-dami ng
pwede mong hindi ma-ituro ay naging isa pa doon
ang kung paano mabuhay nang wala ka.”
I feel you… (hugs)
LikeLike
🙂
LikeLiked by 2 people